Wednesday, January 31, 2024

Kamote

KAALAMAN TUNGKOL SA KAMOTE BILANG HALAMANG GAMOT

Scientific name: Ipomoea batatas (L.) Lam. var. batatas.; Convolvulus batatas Linn.

Common name: Kamote (Tagalog); Sweet Potato (Ingles)

Ang kamote ay isang kilalang bungang-ugat (root crop) na kinakain ng maraming mga Pilipino. Tinatanim at inaani ito sa maraming lugar sa mundo partikular sa maiinit na rehiyon gaya ng Pilipinas. Mayroon itong bulaklak na kulay lila, at dahon na hugis puso.

ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA KAMOTE?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kamote ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

Ang dahon ay may taglay na anthocyanins at phenolic acids. Ayon pa sa mga pag-aaral, mayroon itong crude protein; crude fat; crude fibre; carbohydrate; moisture contents. Maroon din itong mga bitamina gaya ng vitamin A, at vitamin C. May taglay pa itong mineral na zinc, potassium, sodium, manganese, calcium, magnesium at iron.

Ang bungang-ugat ay mahalagang pinagkukunan ng vitamin A, B at C, iron, calcium at phosphorus.

ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

Dahon. Ang dahon ay maaring kainin bilang gulay o dikdikin at ipantapal sa apektadong bahagi ng katawan.
Bungang-ugat. Karaniwang kinakain din ang bungang-ugat ng kamote.

ANO ANG MGA SAKIT AT KONDISYON NA MAAARING MAGAMOT NG KAMOTE?
  1. Diabetes. Ang pagkain sa ginulay na dahon ng kamote o talbos ng kamote ay mabisa para matulungan ang paggaling ng sakit na diabetes. Makatutulong din ang pag-inom sa pinaglagaan ng buong halaman ng kamote.
  2. Pigsa. Mabisang panglunas sa pagkakaroon ng pigsa ang pagtatapal ng dinikdik na dahon ng kamote.
  3. Pagtatae. Karaniwang kinakain ang bungang-ugat ng kamote para sa kondisyon ng pagtatae o diarrhea.
  4. Dengue. Nakatutulong din daw ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng kamote para mapanumbalik ang nasirang mga platelets dahil sa sakit na dengue.
  5. Epekto ng free radicals sa katawan. Ang kamote ay may mataas na lebel ng beta-carotene na isang malakas ng anti-oxidant na lumalaban sa pagkasira ng mga cells na dulot ng mga free radicals.
  6. Mga sugat. Makatutulong sa mabilis na paghilom ng mga sugat ang pagtatapal ng balat ng kamote sa apektadong bahagi ng katawan.
Disclaimer: 
Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman.